Powered By Blogger

Wednesday, May 26, 2010

Bulok.

Ako, basta kung saan-saan at kung kani-kanino ko lang napupulot ang mga pinagsususulat ko dito. Naniniwala lang kasi ako na sa pamamagitan nito, magkakaroon ako ng bahagi sa pagpapalaganap ng world peace! Tuloy lang ang buhay. Mag-aral tayo araw-araw. Araw-araw din tayong matuto. Bukas kasi baka mamatay na ako, o baka mamatay ka na, atleast, kahit papaano, marunong tayong magpatuloy na tumahak sa kwento ng nabubulok na kamatis ng buhay.

Welcome Back Bienthoughts!

Napakatagal nang panahon mula nang magsulat ako dito sa pinakamamahal kong blogsite. Sobrang na-miss ko ito. Masyado kasi akong naging busy sa iba't-ibang activities althroughout the year, at medyo naging babad ako sa trabaho at pag-aaral kaya nakalimutan ko na ito, not to mention, tinatamad na rin ako magsulat dahil nakakapagod mag-isip ng isusulat pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, kaya itinutulog ko na lang ang aking free time. Sorry blogsite ko ahh? Peace na tayo! :)

Dumaan ang maraming araw at napakaraming pangyayari sa aking buhay, at sa mga pagkakataong iyon, masasabi kong maraming bagay din akong natutunan. Mga bagay na kahit ilang taon man ang lumipas ay hindi ko makakalimutan. Napakaraming tao ang aking nakilala at bawat isa sa kanila ay nagbigay sa akin ng matatamis at kung minsan naman ay mga mapapait na ala-ala. Sobrang sarap talagang mabuhay. Hay, buhay!

Kaya ngayong nagkaroon muli ako ng oras para bisitahin at kumustahin ang inaamag ko nang blogsite, ang sarap-sarap magbalik-tanaw sa mga kwentong buhay na naisulat ko na dito noong mga unang panahon pa. Ang sarap nilang basahin. Kahit mali-mali ang grammar, kahit tanga-tanga ang sumulat, nakakatuwa kapag nababalikan kong muli ang isang ala-ala na marahil nakalimutan ko na nangyari pala. Isa itong time machine para sa akin, at napaka-swerte ko dahil isa ako sa mga taong masipag magsulat noon, at ngayon ay nakakabalik sa dating panahong kinainisan ko, kinatuwaan, kinasuklaman at minahal. Ang sarap sa pakiramdam.

Heto ako ngayon, muli ay susubukang i-kwento ang aking mga samu't-saring katangahan kahit na walang bumabasa, haha. Ituturing ko na lang itong secret diary ko. Kahit nakalimutan na ako ng mga dati kong regular na bisita, kahit na tinanggal na ako sa blogroll ng mga blogsites nila, ayos na ayos lang yun. Although na-mi-miss ko silang lahat. Silang mga nakikidalamhati kapag may isinulat akong nakakalungkot. Silang mga nakikitawa sa aking mga kwentong ka-corny-han. Silang mga napipikon sa aking mga pang-aasar. Lahat sila, sobrang nakakamiss. Sana mapansin nilang muli na pilit kong binubuhay ang tahanan kong ito. Sana mapansin nilang nagbabalik na muli si Bienthoughts. Miss ko na sila.

Sabi nga sa isang infomercial, AKO ANG SIMULA, MAY MAGAGAWA TAYO!. Wala lang, try ko lang i-connect parang hindi ata pwede, hehehe.

Basta, sisikapin kong mabigyang buhay muli itong aking bahay! Ngayon ako magsisimula! Welcome back to me, Bienthoughts! :)

Thursday, May 6, 2010

Rain Obsessions




Ilang oras ko ring hinintay na bumuhos ang ulan ngayong araw. Pero kahit isang patak, walang bumagsak mula sa ulap. Makulimlim ang paligid, malakas ang ihip ng hangin, malamig ang panahon ngunit hindi man lang ako nakaramdam ng pagbuhos ng ulan. Tila dinaya ako ng panahon na sa kabila ng kakapalan ng mga ulap sa himpapawid, hindi lumuha ang langit. Marahil nasanay narin ito sa malusog na pagsikat ng araw tuwing tanghali.

Paborito ko ang tag-ulan. Sa lahat ng panahon na maaaring dumating sa ating mundo, palagi kong ninanais na pumatak ang ulan lalo na kapag sumasapit ang dapit-hapon. Masaya ako kapag umuulan. Nais kong maligo at magtampisaw sa malamig nitong tubig. Nais kong kumawala sa init ng nagdaang araw, isang pagbabanlaw sa lahat ng pagod at hirap mula sa matinding sikat ng haring liwanag. Ibinabalik nito ang aking kabataang araw-araw ay nais kong balikan. Ang ulan para sa akin ay isang katuparan ng pinakaaasam na kahinahunan ng mundong aking ginagalawan. Isang paghuhugas sa mga alinlangang nadarama ko sa kabila ng kabutihang idinudulot sa akin ng buhay.

Inabot ako ng dilim sa pag-asang kahit papano ay magpaparamdam ang ulan. Tumingala ako sa langit, pinakiramdaman ng dalawa kong kamay kung may papatak na tubig mula sa itaas, ngunit sa halip, sumagi sa paningin ko ang nagliliwanag na buwan. Bilog ito. Bilog na bilog. Natatabunan ito kapagdaka ng mumunting ulap na tila nagpapapansin at nagsasabing huwag na akong umasa sa pagpatak ng ulan, sapagkat bukas ay matinding init ang mararanasan ko na naman. Napangiti ako. Napatawa. Bakit ko ba kinakausap ang ulap? Maaawa kaya ito sa akin kapag nakiusap akong sana ay umulan ngayong gabi?

Napatungo akong bigla at nagbuntong-hininga. Nagsindi ng sigarilyo. Hitit sabay buga pampatanggal ng inip na kanina pa sumusukob sa akin. Ilang sandali pa’y naubos ko na ang tangan kong pansunog-baga. Nagmasid akong muli sa tahimik na paligid. Maya-maya pa ay napaling naman ang pansin ko sa maingay na paglipad ng isang eroplano. Matayog ang lipad nito. Matayog na matayog. Isang alaala muli ng aking kabataan ang biglang nagbalik. Naalala kong noon, kapag may dumaraang eroplano sa langit, kasama ng mga kalaro ko ay sabay-sabay kaming kumakaway at nagpapaalam dito. Isang pamamaalam na taglay ang pangako na isang araw ay magbabalik ito at sa pagkakataong yaon ay isasama niya at isasakay ako.

Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang kanina lamang ay nagmamayabang na liwanag. Hinihintay ko paring sana kahit ambon man lang ay biyayaan ako ng langit. Nahiga akong sandali at tulad ng lagi kong ginagawa kapag nababagot, umawit ako. Isang awit ng paghihimagsik. Isang awit ng pag-asa na sana ay marinig ng ulap ang dumadagundong kong tinig upang magalit ito, marindi, at mapundi, ng sa gayon ay magbuhos ito ng luha na kanina ko pa inaasam. Ngunit walang nangyari. Walang tumugon sa awit ko kundi mga ibong maya at ingay ng mga kuliglig. Sa kabila noon, nanatili ang katahimikan ng buong paligid.

Noong bata pa ako, wala akong kalayaang magpasya na maligo sa ulan. At alam kong sa bawat pagpupumilit kong magtampisaw ay pagagalitan ako ng aking mga magulang. Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan. Hanggang ngayon. Hanggang ngayong malaya na akong maligo kahit anong oras na bumuhos ang ulan. Ngayong wala ng makapipigil sa aking magtampisaw sa nakabibighani nitong tubig. Ngayong hindi ko na kailangan pang uminom ng isang basong tubig kapag nangangamoy alimuom. Ngayon pang malaki na ako at marunong ng magpasya para sa sarili, ngayon pa ako pinagtataguan ng ulan.

Sa kawalan ng pag-asa, nagpasya na akong pumasok sa aking silid. Malungkot ako. Malungkot na malungkot. Pakiramdam ko’y pinagkaitan ako ng mumunti kong kahilingan. Para akong isang batang nakalimutang bigyan ng regalo sa kanyang kaarawan. Sapagkat malalim na ang gabi, hindi ko na mapigilan ang tuluyang pagsakop sa akin ng isang dalisay na antok. Bukas ay maghihintay akong muli sa pagbisita ng ulan. Sana ay hindi na niya ako biguin. Sa pagkakataong iyon, nakatulog ako ng mahimbing. Mahimbing na mahimbing. Pakiramdam ko’y kinukumutan ako ng isang mapagarugang hangin. Hanggang magising ako isang tanghaling mataas na mataas na naman ang sikat ng haring araw.

Hindi ko man lamang namalayang umulan pala buong magdamag…

Irony.


Sa kung papaanong nalampasan ko na
ang pagkamatay sa iyong bawat pag-ngiti,
ngayo'y nais ko namang humalakhak
sa bawat pagkakataong
nakikita kitang malungkot.

Sa gayong paraan,
masasabi kong wala na nga,
wala na ang himutok nitong puso kong
dati mong sinaktan, pinahirapan at nilapastangan.

Sa kung papaanong naitago ko na
ang pagkalupol sa tuwing hinahagkan mo
ngayo'y nais ko namang lumundag sa tuwa
sa bawat pagkakataong
nababanaag kong nagdadalamhati ang iyong puso

Sa gayong paraan,
mapatutunayan kong lumipas na nga,
lumipas na ang dalamhati nitong mundo kong
ikinulong mo sa iyong sariling mga layaw

Sa kung papaanong napagtagumpayan ko na
ang makawala sa iyong mahigpit na yakap
Ngayo'y nais ko namang lumipad sa alapaap
sa bawat pagkakataong
bumabagsak ang luha sa iyong mga mata

Sa gayong paraan,
maiuulat ko sa buong mundong napawi na,
napawi na nga ang busilak kong pag-ibig
na iyong dinumhan kapalit ang pag-ibig niya.

Ngunit ganoon parin..
Sa huli...
Masaya ka...
At nandito ako,

sa isang tabi...


Nangungulila...

Paghahanap

Magdarapit-hapon na. Paborito niya ang oras na iyon.
Ang oras kung kailan hindi na gaanong mainit ang sinag ng araw.
Kung kailan dumaragsa na ang mga tao sa lansangan upang umuwi sa kani-kanilang mga bahay.
Kung kailan maingay nang muli ang paligid at nagsusumigaw ng kung anu-anong kwento mula sa iba’t –ibang bibig ng buhay.

Kung kailan ang mga katulad nyang simpleng mamamayan ay nag-aatubiling makasakay ng bus at jeep, at kapag minamalas ay matiyagang maghihintay sa gitna ng buhol-buhol na galaw ng trapiko.

Paborito nya ang oras na iyon, ang dapit-hapon.

Maglalakad siya sa gitna ng kumpol-kumpol na dagsa ng mga tao.
Kung minsan ay walang laman ang kanyang isipan kundi ang daan patungo sa kanilang bahay.
Dire-diretso, tatawid sa kalsada, papara ng bus, sasakay, uupo at matutulog hanggang makarating sa paroroonan.

Kung minsan naman, punum-puno ng suliranin ang kanyang isipan.
Bawat paghakbang ay isang kaginhawaan sa puso nyang gusto nang matulog na lamang.
Maraming tanong ang gusto niyang masagot.

Maraming mga pagkakataon sa buhay nya na ninais nyang gawin ang isang bagay ngunit hindi nya nagawa. Kung maaari nga lamang niyang tanungin ang bawat taong makakasalubong niya,
at kung maaari lamang nyang kausapin ang bawat isa sa kanila upang mawala ang pagkabagot sa tila walang katapusang paghihintay nya sa kawalan...

matagal na niya sanang ginawa.

Ngunit naroroon sya,
sa gitna ng nagdaragsaang mga tao.
Kabilang siya sa milyon-milyong nilalang na sing-liit lamang ng langgam kung titingnan mula sa kaitaasan.

Isang maliit na problema lamang din ang binabatbat niya kung ikukumpara sa ibang mga taong dumaranas ng gutom, hirap, pagkakasakit at iba pa.

Ngunit hindi katulad ng mga sakit, walang ibang lunas sa isang walang katapusang paghahanap
kundi ang maghanap ng maghanap.

Alam nya na darating din ang panahon na marahil isa sa mga taong nakakasalubong nya sa kalsada araw-araw; isa sa mga nakakasakay nya sa bus at sa jeep, ang tanging may hawak lamang ng isang bagay na matagal na niyang gustong masumpungan...

Tunay na Pag-ibig. :P

Unang Kwento Ng Katangahan.

Papaano ko nga ba sisimulan ang una kong entry sa bagong blogsite kong ito. Ilang ulit ko na ring inuulit-ulit ang pagta-type pero hanggang sa mga sandaling tina-type ko ang mga letrang ito ay hindi ko pa rin maisip ang dapat kong isulat.

Mabuti na lamang at kahit papaano ay madaldal ang aking utak at marami nang nasasabi kahit na wala namang kwenta. Parang ngayon, hinahayaan ko lang na basahin mo ang tina-type ko kahit wala namang patutunguhan. Umaasa akong bago ka man lang mapagod sa pagbabasa ay may maisip na akong magandang topic.

Naaasar na nga ako eh. Nahihiya na rin ako sa iyo dahil alam ko inaasahan mong may mapapala ka sa pagbisita mo sa blogsite kong ito pero heto ka, nakatunganga lang at nagbabasa parin. Alam kong iniisip mo nang iwanan na ang blogsite ko at huwag nang bisitahin pa kahit kailan dahil pinagmumukha lang kitang tanga.

Pero sana maisip mo na ito ang aking paraan para magkaroon ng sense ang aking blogsite. Since ang title naman nito ay "Mga Kwentong Katangahan", mas mabuti nang mauna kang magmukhang tanga kakabasa ng walang kwenta bago kita kwentuhan ng mga katangahan k0 sa buhay.

At Ngayon naisip mo nang pinagmumukha lang talaga kitang tanga. Tatapusin ko na ang entry kong ito dahil sa malas ko, wala talaga akong maisip na isulat. Gusto ko lang maramdaman mo kung ano ang pakiramdam ng isang tanga. Masarap ba? Nakakaasar diba?

Pero ako sanay na! Sanay na pinagmumukhang tanga kaya balewala na sa akin yan. Kaya pangako ko, sa susunod na entry ko, madami kang matututunan sa mga katangahan ko. Pero ngayon, ikaw muna mag-share ng feeling. Ano ba naramdaman mo? nairita ka ba? Malamang diba? Para ka kasing tanga, basa pa ng basa!